Muling isasabak ang 14-anyos na chess prodigy mula sa Odiongan, Romblon, at varsity player ng Arellano University na si Jerick Faeldonia sa National Age Group Chess Championship na gaganapin sa FPJ Arena, Brgy. Dagatan, San Jose, Batangas mula Marso 13–16, 2025. Lalahok siya sa Under-16 Open Age Group Category, isa sa mga pangunahing division sa torneo, kasama ang iba pang kategorya tulad ng Under-10, Under-12, Under-14, at Under-18.
Target ni Jerick sa kompetisyong ito na makuha ang prestihiyosong National Master (NM) title at mag-qualify sa Asian Youth Chess Championship 2025 na nakatakdang ganapin sa Chiang Mai, Thailand sa huling bahagi ng taon. Sa Asian Youth Chess Championship, posible niyang makuha ang mas mataas pang titulo bilang FIDE Master (FM). Sa kasalukuyan, hawak na niya ang ranggong Arena International Master (AIM).
Ang National Age Group Chess Championship ay inaasahang dadaluhan ng mga top-rated junior chess players mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, kaya’t magiging isang matinding labanan ito ng mga batang henyo sa larangan ng ahedres.
Matapos ang naturang torneo, babalik si Jerick sa kanyang bayan upang depensahan ang kanyang titulo sa Odiongan Chess Tournament, na bahagi ng pagdiriwang ng kanilang kapistahan. Ang LGU Odiongan ay isa sa mga pangunahing sumusuporta kay Jerick sa kanyang mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa.
Ngayong 2025, sunod-sunod ang mga torneo na sinalihan ni Jerick, kung saan palagi siyang itinuturing na isa sa mga top contenders. Ilan sa kanyang mga naging resulta ngayong taon ay ang pagiging kampeon sa 1st Mind Guild Chess Tournament na ginanap sa Robinsons Metro East noong Pebrero. Nakuha niya rin ang 3rd runner-up sa Sibuyan Open Chess Tournament sa San Fernando, Romblon, at pang-apat na pwesto sa 15th Bulacan Chess Training Tournament sa Aliw Complex, Meycauayan, Bulacan.
Naging ika-apat din siya sa 2025 Sta. Maria Chess Challenge sa Sta. Maria, Bulacan, at pumangalawa sa 3 GMs 1999 Below Non-Master Under-16 sa Robinsons Galleria. Sa Tagupo Chess Hub Fiesta Tournament sa Tatalon, QC, nagtapos siyang tied for champion ngunit nauwi sa ika-apat na puwesto. Nakamit naman niya ang 3rd place sa 2nd Mayor Gerald Areta Chess Tournament sa Subli, Pangil, Laguna, at ika-siyam na puwesto sa 4th Geek Hub FIDE 2200 Open sa SM City Tarlac.
Discussion about this post