Pormal na nagpasa ng resolusyon ang Romblon Diocesan Council of the Laity (RDCL) na nagpapahayag ng nagkakaisang pagtutol sa pagmimina sa Sibuyan Island at nananawagan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kanselahin ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Altai Philippines Mining Corporation.
Pinagtibay ang Resolution No. 4, Series of 2026 noong July 26 sa ginanap na Diocesan Assembly of the Laity sa Villa del Mar Resort sa Barangay Lonos, bayan ng Romblon.
Sa resolusyon, hiniling din ng RDCL sa DENR, Mines and Geosciences Bureau (MGB), at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan na tanggihan, bawiin, kanselahin, o huwag aprubahan ang lahat ng umiiral at mga susunod pang aplikasyon para sa pagmimina, exploration permits, Financial or Technical Assistance Agreements (FTAAs), at iba pang mining tenements na sumasaklaw sa anumang bahagi ng Sibuyan Island.
Binigyang-diin ng konseho na kinikilala ang Sibuyan bilang isa sa pinakamahahalagang sentro ng biodiversity sa Pilipinas, na tahanan ng maraming endemic species, old-growth forests, kritikal na watershed, at mga ekosistemang sumusuporta sa kabuhayan at kultura ng mga Sibuyanon.
Kasabay ng panawagang ihinto ang pagmimina, hinikayat din ng RDCL ang pagsusulong ng mga alternatibong anyo ng kaunlaran tulad ng biodiversity conservation, sustainable agriculture, responsableng pangingisda, ecological tourism, renewable energy, at iba pang kabuhayang makakalikasan.
Nakasaad din sa resolusyon na palalakasin ng Diocese of Romblon ang mga programa sa ecological spirituality, environmental education, at environmental advocacy sa mga parokya, Catholic schools, Basic Ecclesial Communities (BECs), at iba pang lay organizations.
Bukod dito, hinihikayat din ng konseho ang lahat ng mga parokya at institusyon ng simbahan sa diyosesis na isama sa kanilang mga panalangin ang pangangalaga sa Sibuyan Island, ang mga komunidad na apektado ng pagmimina, at ang responsableng pangangasiwa sa likas na yaman.
Ayon sa resolusyon, agad itong magkakabisa matapos itong pagtibayin ng Diocesan Assembly of the Laity at ipapadala ang mga kopya nito sa Obispo ng Romblon, Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), DENR, MGB, Office of the President, Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, at mga lokal na pamahalaan ng Cajidiocan, Magdiwang, at San Fernando, gayundin sa iba pang kinauukulang ahensya at organisasyon.


































Discussion about this post