Arestado ang isang 36-anyos na lalaki matapos makuhanan ng humigit-kumulang 1.2 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon nitong July 25.
Pinangunahan ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang operasyon, katuwang ang Romblon Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Romblon, sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA.
Ayon sa ulat ng Odiongan MPS, matagumpay na nabentahan ng suspek ang poseur-buyer ng hinihinalang ilegal na droga bandang alas-3:40 ng hapon bago siya inaresto ng mga operatiba.
Bukod sa buy-bust sachet, nakumpiska rin sa suspek ang tatlo pang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱1,000, aluminum foil, lighter, coin purse, kaha ng sigarilyo, at isang Rusi motorcycle.
Isinagawa ng operating team ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon alinsunod sa itinakdang legal na proseso.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek, na kasalukuyang nasa kustodiya ng Odiongan Municipal Police Station.



































Discussion about this post