Pormal nang nagsimula noong Marso 11 ang MIMAROPA Regional Athletic Association Meet (MRAA) Meet 2025 na may temang “Lakas, Talino, at Disiplina: Tatak Batang Atleta sa Bagong Pilipinas!”
Ang lungsod ng Puerto Princesa ang host ng palarong pangrehiyon ngayong taon na pinangungunahan ng Department of Education (DepEd).
Pitong delegasyon ang maghaharap sa MRAA Meet 2025 na binubuo ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Calapan City at Puerto Princesa City.
Umaabot naman sa mahigit 3,000 manlalaro mula sa pitong delegasyon ang magtatagisan sa 21 iba’t ibang laro tulad ng badminton, tennis, basketball, swimming, billiards, wrestling, taekwondo, arnis, archery, football, gymnastics, table tennis, futsal, dance sports, volleyball, chess, baseball, athletics, sepak takraw, softball at wushu.
Sinabi ni DepEd-MIMAROPA Regional Director Nicolas T. Capulong sa pagbubukas ng palaro na “beyond excellence” ang preparasyon at pagtanggap ng pamahalaang panlungsod sa nasabing aktibidad.
Pinasalamatan din ni Capulong ang pamahalaang panlungsod maging ang pamunuan ng DepEd-Puerto Princesa City Schools Division sa maayos na pagtanggap sa bawat delegasyon, partikular na ang isinagawang paghahanda ng mga tuluyan, pagdadausan ng mga palaro at ang pagpapanitili ng kaayusan.
Hinimok din niya ang mga atleta na pahalagahan ang salitang “sportsmanship,” ang respeto sa sarili at sa kapwa, maging ang paggalang sa mga guro, sa awtoridad at higit sa lahat sa kanilang mga magulang na siyang nag-aruga, naglinang at sumuporta sa mga ito.
Ngayong nararanasan ang matinding init sa lungsod ay tiniyak naman ng pamunuan ang kaligtasan ng mga manlalaro.
“Kung talagang mainit na mainit ang panahon isu-suspend natin ang outdoor activities from 9 or 10 ng umaga hanggang 3 ng hapon. We have to guarantee the safety of our athletes, [and] of course the referees and our coaches and trainees,” pahayag ni Capulong.
Natunghayan naman ang naggagandahang field demonstration ng mga mag-aaral mula sa San Miguel National High School at Palawan National High School. Naging makulay din ang hango sa bulaklak ng Balayong na sayaw ng mga mag-aaral mula sa San Jose National High School at ang Bench Cheering ng mga mag-aaral mula sa Sta. Monica National High School sa pagbubukas ng palaro.
Magtatapos ang MRAA 2025 sa Marso 15. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)
Discussion about this post