Nagkampeon ang Romblon Gun Club sa katatapos lamang na Governor’s Cup Basketball Tournament matapos talunin ang St. Pius sa finals sa score na 95-93. Ang makapigil-hiningang laban ay naging dikdikan hanggang sa huling segundo at ginanap sa Romblon Public Plaza, Romblon, Romblon mula Marso 15-19, 2025.
Bukod sa dalawang koponan, lumahok din sa torneo ang PNP, Mabuhay Adamson, at Starhorse Shipping Lines. Ilan sa mga kilalang manlalarong sumali ay sina Gilas I member Aldrich Ramos, Sidney Onwubere, Gab Dagangon, Dylan Garcia, Rafael Are, Donald Tankoua, Peter Osang, Landry Sanjo, at ang kontrobersyal na si John Amores. Kasama rin ang mga Romblon natives na sina Jordan Rios, Cedrick Manzano ng Adamson Falcons University, Yvanne Malay ng Treston International College, Jove Menorca Mendez, at Allan Rance.
Present din sa torneo ang mga ex-pro players na sina Arwind Santos at Alex Cabagnot, bagamat hindi sila naglaro upang ipahinga ang kanilang mga injuries bilang paghahanda sa mas malalaking torneo sa Cebu.
Bilang kampeon, nag-uwi ang Romblon Gun Club ng P300,000 at isang tropeo. Ang St. Pius, na pumangalawa, ay nakatanggap ng P200,000, habang ang 3rd place na Adamson Mabuhay ay nag-uwi ng P100,000. Ang Starhorse Shipping Lines, na nagtapos sa ikaapat na puwesto, ay nakatanggap naman ng P50,000 bilang premyo.
Ang basketball tournament na ito ay bahagi ng ika-124th Foundation Celebration at 80th Liberation Anniversary ng Romblon. Maliban sa basketball, nagdaos din ng iba’t ibang sports events tulad ng volleyball, soccer, at boxing.