Naghatid ng iba't ibang skills training at livelihood interventions ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa bayan ng Cajidiocan kasabay ng pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng ahensya noong Agosto 6.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pagtatapos ng 25 trainees ng Driving NC II at ang Fish Processing Livelihood Training para sa 21 Persons with Disabilities (PWDs), na naglalayong mapalawak ang oportunidad sa hanapbuhay ng mga benepisyaryo.
Ang fish processing training ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Lokal na Pamahalaan ng Cajidiocan. Tinuruan ang mga kalahok ng tamang pagproseso ng isda, product enhancement, at paggawa ng smoked fish bilang posibleng mapagkukunan ng pangmatagalang kabuhayan.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni TESDA Romblon Provincial Director Atty. Glenn Niño M. Sartillo ang mga PWD beneficiaries na huwag hayaang maging hadlang ang kanilang kapansanan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Samantala, sinabi ni Cajidiocan Mayor Atty. Marvin “Greggy” Ramos na patuloy na makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Sustainable Livelihood Program (SLP) upang makapagbigay ng karagdagang suporta sa kabuhayan ng mga PWD.
Ayon sa TESDA, bahagi ang mga aktibidad ng pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng ahensya at ng patuloy nitong pagsusulong ng dekalidad na technical-vocational education, inclusive skills development, at mga programang pangkabuhayan para sa iba't ibang sektor ng lipunan.



































Discussion about this post