Pinabulaanan ng Romblon Municipal Police Station (MPS) ang kumakalat na balita tungkol sa umano’y tangkang pagdukot sa dalawang bata habang pauwi ang mga ito sa kanilang tahanan kamakailan sa bayan ng Romblon, Romblon.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang walang sapilitang ginawa ang nasabing motorista. Sa halip, inalok lamang nito ng pagsabay ang mga bata, na agad namang tumanggi.
Ayon sa Romblon MPS, patuloy nilang sinisiyasat ang lahat ng detalye upang matiyak ang buong katotohanan sa likod ng insidente. Kasabay nito, nanawagan sila sa publiko na maging maingat at responsable sa pagpapakalat ng impormasyon upang maiwasan ang hindi kinakailangang takot, pagkabahala, at maling akusasyon na maaaring makasira sa reputasyon ng iba.
“Hinihikayat namin ang lahat na bago maniwala at ipasa ang anumang impormasyon, siguraduhin munang may malinaw na basehan at beripikadong ebidensya. Ang maling impormasyon ay hindi lamang nagdudulot ng panic sa ating komunidad kundi maaari ring humadlang sa tamang pagsisiyasat ng mga awtoridad,” ayon sa pahayag ng Romblon MPS.
Para hindi maloko ng mga nagkakalat ng maling impormasyon sa social media, ugaliing tama ang ibinabahaging impormasyon at maghanap ng opisyal na pahayag mula sa mga kinauukulan o direktang makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang makumpirma ang anumang insidente.