Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 24 na pasahero at mga crew ng bangkang El Carmen matapos itong masiraan ng makina habang naglalayag sa dagat noong Pebrero 25.
Ayon sa ulat ng Coast Guard Sub Station Romblon, nasiraan ng makina ang bangka malapit sa Sitio Ipil, Barangay Lonos, Romblon. Upang maiwasang sumadsad dahil sa alon, agad itong nag-angkorahe sa lugar.
Matapos makatanggap ng tawag mula sa may-ari ng bangka, agad na rumesponde ang Coast Guard Sub Station Romblon kasama ang rescue boats ng lokal na pamahalaan upang magsagawa ng operasyon.
Matapos masigurong ligtas ang mga sakay ng bangka, agad na isinagawa ang towing operations at matagumpay na hinila ang MBCA El Carmen patungo sa Barangay 1, Poblacion, Romblon. Lahat ng 24 na pasahero ay nakababa ng bangka.
Patuloy namang nagpapaalala ang PCG sa mga naglalayag na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyang pandagat upang maiwasan ang ganitong insidente.