Usap-usapan ngayon sa mga sports platform sa iba’t ibang panig ng mundo ang pahayag ni Manny “Pac-Man” Pacquiao na nais niyang bumalik sa boxing ring para sa kanyang huling laban bago tuluyang magretiro.
Huling lumaban si Pacquiao noong 2021 laban kay Yordenis Ugas ng Cuba para sa WBA Welterweight Title, kung saan siya ay natalo via unanimous decision. Sa kabila nito, muling nagpahayag si Pacquiao na kaya pa niyang makipagsabayan sa mas bata at malalakas na mga boksingero.
Isa sa mga pangalan na binanggit ni Pacquiao na gusto niyang makalaban ay ang undefeated lightweight WBA Champion na si Gervonta “Tank” Davis. Si Davis, na kasalukuyang may record na 30 panalo, walang talo, at 28 Knockouts, ay huling lumaban noong Hunyo 2024 laban kay Frank Martin, na tinalo niya via 8th-round knockout.
Bagamat malabo pang maganap ang laban dahil nakatakdang harapin ni Tank Davis si Lamont Roach sa Marso 1, 2025, sinabi ni Pacquiao na handa siyang labanan kahit sino. Isa pang posibilidad na tinitingnan ay ang matagal nang hinihintay na rematch laban kay Floyd Mayweather.
Sa ngayon, si Manny Pacquiao, 46 anyos, ay nananatiling nag-iisang 8-division world champion sa kasaysayan ng boxing. Siya ay may record na 62 panalo, 8 talo, 2 draw, at 39 Knockouts.
Ilan sa mga hindi malilimutang laban ni Pacquiao ay ang mga laban kontra sa mas malalaking boksingero tulad nina Miguel Angel Cotto, Antonio Margarito, Sugar Shane Mosley, Joshua Clottey, Ricky Hatton, Oscar De La Hoya, at Floyd Mayweather. Kabilang din sa kanyang mga pangunahing karibal ang mga alamat na sina Erik Morales, Marco Antonio Barrera, at Juan Manuel Marquez.
Samantala, sa kaugnay na balita, iniisip ng kampo ni Gervonta “Tank” Davis na ang susunod na makakalaban niya matapos si Lamont Roach ay si Mark “Magnifico” Magsayo. Gayunpaman, wala pang pinal na desisyon at naka-depende ang laban sa kasunduan ng kani-kanilang mga promoter. Isa pang opsyon para kay Davis ay ang pagreretiro matapos ang laban kay Roach.
Discussion about this post