Iba’t ibang produkto mula sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Romblon District Jail ang tampok ngayon sa Trade Fair na ginaganap sa Rizal Park, bayan ng Romblon. Kasama sa mga itinitinda ang wooden beads bag, tinapay, at pastries na gawa ng mga PDL bilang bahagi ng kanilang livelihood program.
Ayon kay Cathyrene Glori, livelihood officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), layunin ng proyektong ito na bigyan ng pagkakataon ang mga PDL na kumita kahit nasa loob ng piitan. Ang kita mula sa kanilang produkto ay maaaring magamit para sa personal na pangangailangan o maipadala sa kanilang pamilya.
“Halimbawang lumabas na sila sa piitan, mayroon silang mga baong skills na prino-provide ng [BJMP at TESDA] na puwede nilang mapagsimulan ng negosyo o pangkabuhayan ‘pag nasa labas na sila,” ani Glori.
Hinihikayat ng BJMP ang publiko na suportahan ang mga produktong ito. Bukas ang kanilang booth simula 9:00 AM hanggang 6:00 PM ngayong araw at bukas. Para sa mga interesadong mag-order, maaari ring kontakin si JO3 Cathyrene Glori sa 09189494783 o bisitahin ang BJMP Romblon District Jail.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng layunin ng BJMP na isulong ang rehabilitasyon at pagbabagong-buhay ng mga PDL habang sila ay nasa piitan.
Discussion about this post