Hindi muna itutuloy ng lokal na pamahalaan ng Romblon ang paniningil ng Tourism Ecological Fee sa mga bisita at turista ng bayan ng Romblon.
Sa isang mensaheng ipinadala kay Romblon News Network nitong Linggo, kinumpirma ni Romblon Tourism Officer Maiko Fajilagutan ang desisyon ni Mayor Gerard Montojo na ipagpaliban ang implementasyon ng nasabing bayarin.
Ayon kay Fajilagutan, ang postponement ay ginawa upang bigyang-daan ang hinaing ng mga Romblomanon, partikular na ang pagsingil sa mga residente ng ibang bayan na kailangang pumunta sa kabisera para sa kanilang personal na transaksyon. Dagdag pa niya, Isasama na ang mga pagbabago sa planong amendatory ordinance na inaasahang aayusin ang ilang detalye ng umiiral na regulasyon.
Ang paniningil sana ay sinimulan ngayong araw, January 5, alinsunod sa naunang anunsyo ng Romblon Municipal Tourism Office. Batay sa ordinansang ipinasa noong 2018, ang bawat hindi residente ng bayan ng Romblon ay kailangang magbayad ng P50, habang P100 naman ang singil sa mga banyaga. Hindi saklaw ng bayaring ito ang mga batang edad anim pababa, mga residente ng bayan, senior citizens, PWDs, mga researchers mula sa academe, at opisyal na bisita ng lokal na pamahalaan.
Isang beses lang dapat bayaran ang fee sa bawat pagpasok sa bayan, ngunit may kalakip ding parusang P2,500 multa o pagkakakulong para sa mga hindi susunod.
Ang pansamantalang suspensyon ng bayarin ay inaasahang magbibigay-daan sa mas maayos na implementasyon ng polisiya at mas mainit na pagtanggap mula sa mga residente ng Romblon.
Discussion about this post