Itinanghal na New World Chess Champion ang 18-taong-gulang na si Gukesh Dommaraju mula sa India matapos talunin si Ding Liren ng China sa kanilang 14-game series title showdown para sa world title. Sa iskor na 7.5–6.5, nakuha ni Gukesh ang kampeonato sa huling laro, Game 14, na ginanap sa World Resort Sentosa, Singapore noong Nobyembre 25–Disyembre 12, 2024.
Gamit ang black pieces, si Gukesh ay nagpakitang-gilas sa huling laro kung saan kanyang nasungkit ang titulo.
Nakamit ni Gukesh ang karapatang makipaglaban para sa world title matapos niyang magkampeon sa Candidates Tournament 2024 na ginanap sa Toronto, Canada noong Abril. Natalo niya ang iba pang malalakas na manlalaro tulad nina Ian Nepomniachtchi (Russia), Fabio Caruana at Hikaru Nakamura (USA), Nijat Abasov (Azerbaijan), Alireza Firouzja (France), Vidit Gujrathi, at Rameshbabu Praggnanandhaa (parehong mula sa India).
Samantala, si Ding Liren ay naging kampeon noong 2023 nang talunin niya si Nepomniachtchi. Napilitan siyang lumaban para sa titulo matapos umatras si Magnus Carlsen, ang dating world champion.
Bagamat si Ding ang defending champion, marami sa mga analyst at chess enthusiasts ang pumabor kay Gukesh na mananalo sa world title match. Sa kanilang serye, nanalo si Ding sa Games 1 at 12, samantalang si Gukesh ay nanaig sa Games 3, 11, at 14. Ang iba pang mga laro (Games 2, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, at 13) ay nagtapos sa draw.
Kitang-kita sa laro ang hirap na nararanasan ni Ding, lalo na sa body language at facial expressions nito. Sa kabila ng pagiging kalmado ni Gukesh, naresolba ni Ding ang ilang laro upang maitabla ang laban.
Ang pinaka-crucial na bahagi ng serye ay nangyari sa Game 14. Kung sakaling mag-draw ito, dadalhin ang laban sa tie-break. Gayunpaman, sa ika-55th move, nagkamali si Ding sa isang critical na blunder. Sa gitna ng sigawan ng mga fans, analysts, at media sa venue, nanatiling kalmado si Gukesh, inaral ang sitwasyon, at tuluyang nanaig. Ang blunder na ito ni Ding ang nagbigay-daan para sa selebrasyon ng bagong kampeon.
Sa edad na 18, si Gukesh ang pinakabatang World Chess Champion sa kasaysayan, isang record na naitala niya matapos talunin si Ding. Siya rin ang pangalawang World Chess Champion mula India, kasunod ni Viswanathan Anand, at ang ika-18 champion sa kasaysayan ng chess.
Bukod sa kanyang pamilya, pinasalamatan ni Gukesh ang kanyang team na tumulong sa kanyang paghahanda. Binubuo ito ng mga Grandmaster tulad nina Grzegorz Gajewski, Radoslaw Wojtaszek, Jan-Krzysztof Duda, Jan Klimkowski, Vincent Keymer, Viswanathan Anand, at Pentala Harikrishma. Pinasalamatan din niya si Paddy Upton, isang football head coach mula South Africa, na nagsilbing conditioning coach niya.