Nagkaisa ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) at mga kabataan sa isang misa at prayer rally sa bayan ng Odiongan upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa planong pagmimina sa Sibuyan Island.
Pinangunahan ang aktibidad ng Iglesia Filipina Independiente Student Association (IFISA) ng Romblon State University (RSU) sa pamumuno ng pangulo nitong si Luise Miguel Caminero, sa suporta ng pambansang pamunuan ng simbahan.
Ayon kay Caminero, layunin ng pagtitipon na pag-isahin ang boses ng simbahan at ng kabataan sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtutol sa pagmimina.
“Marapat lang sa amin na mga kabataan, lalo na ‘yung may mga kaalaman na rin at awareness pagdating sa illegal mining tapos ‘yung epekto nito sa kalikasan, ay inorganisa po namin itong gawain na ito. At upang ipagsama ang buong miyembro ng Iglesia Filipina Independiente bilang isang nagkakaisang boses kontra sa mining,” ani Caminero.
Dumalo rin bilang guest speaker si Odiongan Sangguniang Bayan Member Kaila Yap, na nagpahayag ng kanyang paninindigan sa pangangalaga sa kalikasan at sa responsibilidad ng mga halal na opisyal na pakinggan ang tinig ng mamamayan.
“Bilang isang konsehal, bumuboses at nakikipaglaban talaga para sa kalikasan. Kasi nga parang sa akin, ano pa ang kakahinatnan ng kinabukasan na pinaglalaban natin kung ‘yung bukas na naghihintay ay hindi na maganda? Kawawa naman ‘yung susunod na henerasyon, hindi na nila makikita ‘yung ganda ng Sibuyan,” pahayag ni Yap.
Binigyang-diin din niya ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan.
“With great power comes great responsibility, sabi nga ni Spider-Man. So kung ikaw ‘yung naluklok bilang Sangguniang Bayan, you are the representative of the people. Then use the platform… to fight for the people and, of course, for the environment,” dagdag niya.
Sa ginanap na prayer rally, nagbitbit ang mga kalahok ng mga placard na may mga katagang “Ipamana, Huwag Ipamina” at “Save Sibuyan,” habang binigyang-diin ng mga lider ng simbahan at ng kabataan ang kahalagahan ng pangangalaga sa biodiversity ng Sibuyan Island at ng Mt. Guiting-Guiting.
Nagtapos ang programa sa isang sama-samang panalangin at panawagang patuloy na pangalagaan ang likas na yaman ng Romblon para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.



































Discussion about this post