Matapos ang matagal na break dulot ng mga kontrobersiya, magbabalik sa boxing si John Reil “Quadro Alas” Casimero. Ang kanyang comeback fight ay nakatakda sa Oktubre 13, 2024, sa Yokohama, Japan, laban sa American boxer na si Saul Sanchez. Ang kanilang laban ay isa sa undercard matches ng main event sa pagitan nina Vince Paras at Hiroto Kyoguchi 3.
Nagsimula ang mga kontrobersiya sa career ni Casimero matapos niyang talunin si Guillermo Rigondeaux noong Hunyo 2021 via unanimous decision. Matapos nito, dapat sana’y makakalaban niya si Paul Butler, dating IBF Bantamweight Champion, ngunit hindi natuloy ang laban dahil sa viral gastritis ni Casimero sa araw mismo ng weigh-in noong Disyembre 2021. Ang laban ay na-reschedule para sa Abril 2022, ngunit hindi siya pinayagan ng British Boxing Board of Control (BBBofC) na lumaban dahil sa medical violations kaugnay ng paggamit ng sauna sa pagpapababa ng timbang. Dahil dito, tuluyan nang nawala ang laban kay Casimero, at pinalitan siya ni Jonas Sultan, na natalo ni Butler at naging interim champion.
Dahil sa mga pangyayari, kinuha ng WBO ang kanyang championship title at umakyat si Casimero sa 122 lbs division. Dito niya nakalaban si Ryo Akaho ng Japan noong Disyembre 2022 sa South Korea, at pagkatapos ng review, itinanghal siyang panalo via KO. Sumunod ay tinalo niya si Fillipus Nghitumbwa noong Mayo 2023 sa Pilipinas, kung saan napagwagian niya ang WBO Global Super Bantamweight Title via unanimous decision. Ang pinakahuling laban ni Casimero ay noong Oktubre 12, 2023 laban kay Yukinori Oguni ng Japan, ngunit nagtapos ito sa split technical draw dahil sa accidental head clash.
Sa kasalukuyan, may record si John Reil Casimero na 33 wins, 4 losses, 1 draw, at 22 wins via KO. Samantala, ang makakalaban niyang si Saul “The Beast” Sanchez, 27 years old, ay may record na 20 wins, 3 losses, at 12 wins via KO. Sa kanyang pinakahuling laban, lumaban siya kay Jason Maloney para sa WBO Bantamweight Title ngunit nabigo siyang makuha ang titulo.
Maliban sa mga isyu sa boxing, hinarap din ni Casimero ang mabigat na pagsubok na kasong Acts of Lasciviousness at alleged child molestation kaugnay ng umano’y pag-imbita niya sa isang 17-year-old na babae sa kanyang hotel room. Mariing itinanggi ito ng kampo ni Casimero at sinabing pawang mga fabricated ang mga akusasyon.
Samantala, ang main event sa fight card na ito ay ang Vince Paras vs Hiroto Kyoguchi 3. Ito na ang pangatlong beses na maghaharap ang dalawa sa isang rubber match. Ang unang laban nila ay noong Mayo 2018 sa Tokyo, kung saan nanalo si Kyoguchi via unanimous decision. Muling nagharap ang dalawa noong Mayo 2024 sa South Korea, at dito naman nagwagi si Paras via unanimous decision. Ang trademark ni Paras ay ang pagyakap sa mga round girls sa tuwing nananalo siya. Sa kasalukuyan, si Vince Paras, 25 years old, ay may record na 21 wins, 2 losses, 1 draw at 15 wins via KO, habang si Hiroto Kyoguchi, 30 years old, ay may 18 wins, 2 losses, at 12 wins via KO.
Discussion about this post