Matapos lamang ng isang buwan mula nang makumpleto ang konstruksyon at magdaos ng kauna-unahang torneo nitong Agosto, opisyal nang kinilala ang Romblon Football Stadium bilang isa sa mga FIFA Certified Football Fields sa Pilipinas.
Sa pagkakasamang ito, maaari nang gamitin ang stadium para sa mga professional leagues gaya ng Philippine Football League (PFL), malalaking school competitions, at maging training ground ng mga international football teams.
Naging posible ang development na ito sa pamamagitan ng pagsisikap ng E-sports International Inc., na kilala bilang nangungunang sports architecture at recreational solutions provider sa bansa, katuwang ang Limonta Sport mula Italy. Sila rin ang responsable sa paggawa ng siyam pang FIFA Certified Football Fields sa Pilipinas.
Ito ay isang napakalaking hakbang hindi lamang para sa football community ng probinsya, kundi para na rin sa buong Romblon, dahil inaasahang makakaakit ito ng mga professional teams at manlalaro mula sa iba’t ibang lugar. Kasabay nito, magkakaroon din ng pagkakataon na madiskubre ang mga batang manlalaro mula sa grassroots programs.
Kabilang sa mga nabigyan din ng FIFA Certification, kasama ang Romblon Football Stadium, ay ang Rizal Memorial Stadium, Biñan Football Stadium, Arca South Football Field, UP Diliman Football Field, University of Makati Football Field, at UP Mindanao Football Field.