Nagpaalala ang Center for Health Development MIMAROPA ng Department of Health (DOH) tungkol sa mga paraan upang maiwasan ang sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV), kasabay ng kanilang patuloy na kampanya para sa kalusugan ng kabataan.
Isa ito sa mga pangunahing paksa ng ginanap na seminar o forum ng DOH MIMAROPA kamakailan sa bayan ng Romblon, Romblon, kung saan mahigit 50 na estudyante mula sa Romblon National High School ang nakiisa.
Ang layunin ng forum ay magbigay ng kamalayan sa kabataan hinggil sa mental health, tamang nutrisyon, at Human Papilloma Virus (HPV) vaccination. Tinalakay rin ang mga isyu at maling impormasyon ukol sa HIV, Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), at Sexually Transmitted Infections (STIs).
Ayon sa ulat ng Commission on Population and Development (CPD) noong Enero 2021, 25 porsiyento ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas ay nagmumula sa mga kabataang edad 15 hanggang 20 taon.
Sa lalawigan ng Romblon, naitala ang 142 na kaso ng HIV mula Enero 1988 hanggang Abril 2024.
Gayunpaman, ayon kay Annette Rodelas, isang rehistradong nurse, hindi direktang nakamamatay ang AIDS, kundi ang mga komplikasyon tulad ng iba’t ibang opportunistic infections o mga uri ng cancer ang sanhi ng kamatayan ng mga pasyente. Ipinaliwanag niya na ang advanced stage ng HIV, ang AIDS, ay nagiging sanhi ng pagkasira ng natural na depensa ng katawan, kaya’t madali nang dapuan ng iba’t ibang sakit, impeksyon, o cancer.
Upang maiwasan ang HIV, mahalaga ang abstinence o pagpipigil sa pakikipagtalik, tapat na pakikipagrelasyon sa iisang kapareha, tamang paggamit ng condom at/o contraceptives, pag-iwas sa paggamit ng iligal na droga, at huwag magbahagi ng hiringgilya o karayom.
Tinalakay rin sa forum ang kahalagahan ng komunikasyon para sa malusog na kaisipan, ang pagkain ng masustansyang pagkain, at ang pagkakaroon ng matibay na self-esteem na makatutulong upang mapanatiling malusog ang kabataan, hindi lamang pisikal kundi pati na rin sa mental at emosyonal na aspeto.