Naidepensa ng South African fighter na si Dricus du Plessis ang kanyang kampeonato bilang UFC Middleweight Champion matapos talunin ang former champion na si Israel Adesanya ng Nigeria via submission sa 4th round ng kanilang laban sa main event ng UFC 305 na ginanap sa RAC Arena sa Perth, Australia noong August 18, 2024.
Sa 1st round pa lamang, matindi na ang naging palitan ng mga suntok at sipa ng dalawang fighters. Parehong nakakatama ng solid punches and kicks ang magkabilang panig, ngunit sa pagsapit ng 2nd round, bahagyang lumamang si du Plessis nang makahanap siya ng pagkakataon para sa isang rear naked choke submission attempt. Nakawala naman si Adesanya, at nagpatuloy ang magagandang palitan ng mga solid punches and kicks ng magkabilang panig.
Sa round 3, bahagyang na-domina ni Adesanya ang laban sa early stages, ngunit nakakasagot din si du Plessis ng kanyang sariling solid punches and kicks sa dulo ng round. Pagsapit ng 4th round, inakala ng marami na tuluyan nang na-control ni Adesanya ang laban. Ngunit ikinagulat ng lahat nang pumakawala si du Plessis ng 3-punch combination na lahat ay tumama sa ulo ni Adesanya, dahilan upang mapatumba ito. Dito na nakahanap ng pagkakataon ang kampeon upang muling gawin ang submission attempt na rear naked choke. Sa pagkakataong ito, nagawa niya ito nang maayos, at dito na nga tuluyang nag-tap out si Adesanya 3:38 sa round 4.
Ito pa lamang ang unang title defense ni Dricus du Plessis mula nang makuha niya ang UFC Middleweight Title laban kay Sean Strickland sa main event ng UFC 297. Sa kasalukuyan, tangan ni du Plessis ang MMA record na 22 wins, 2 losses, kung saan 9 dito ay via knockout, 11 via submission, at 2 via decision. Sa kabilang banda, si Israel Adesanya ay may 24 wins, 4 losses matapos ang laban na ito.
Sa iba pang mga laban sa main card ng UFC 305, panalo via 2nd round TKO si Carlos Prates ng Brazil kontra Li Jingliang sa welterweight division; panalo rin si Jairzinho Rozenstruik ng Suriname laban kay Tai Tuivasa ng Australia via split decision sa heavyweight division; wagi si Dan Hooker ng Australia laban kay Mateusz Gamrot ng Poland via split decision sa lightweight division; at sa co-main event fight, nagwagi si Kai Kara-France ng New Zealand laban kay Steve Erceg ng Australia via 1st round KO sa flyweight division.