Magkakaloob ang Pamahalaang Bayan ng Cajidiocan ng ₱100,000 insentibo sa sinumang graduate ng Romblon State University (RSU)-Cajidiocan Campus na makapasok sa Top 10 ng anumang national licensure o board examination.
Inanunsyo ni Mayor Atty. Marvin R. Ramos ang insentibo sa ginanap na Freshmen Orientation Program ng RSU-Cajidiocan Campus, na dinaluhan ng 215 bagong mag-aaral para sa Academic Year 2026-2027.
Ayon sa alkalde, saklaw ng programa ang kasalukuyang batch ng mga magtatapos at maging ang mga susunod pang graduates ng unibersidad na makapapasok sa Top 10 ng anumang licensure o board examination.
Sinabi ni Ramos na layunin ng insentibo na kilalanin ang mga mag-aaral na magpapakita ng kahusayan sa kanilang propesyon at hikayatin ang iba pang estudyante na magsikap sa kanilang pag-aaral.
Sa parehong programa, hinikayat din ng alkalde ang mga freshmen na sulitin ang kanilang pag-aaral sa RSU-Cajidiocan at samantalahin ang mga scholarship program na maaaring kanilang ma-avail, kabilang ang Tertiary Education Subsidy (TES).
Ibinahagi rin niya na nagpapatuloy ang konstruksyon ng Phase 1 ng dalawang-palapag na Multi-Purpose Building ng kampus bilang bahagi ng suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng mga pasilidad ng unibersidad.



































Discussion about this post