Sumadsad kagabi sa mababaw na bahagi ng Romblon Bay ang barko ng Starlite na MV SWM Salve Regina na may lulang 168 na pasahero, 55 crew, at 21 rolling cargoes.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, nangyari ang aksidente bandang 11:45 kagabi malapit sa Sitio Agbuyog, Brgy. Capaclan Romblon, Romblon.
Galing ang barko sa Magdiwang Port sa Sibuyan at papunta sana sa Romblon, Romblon nang mangyari ang aksidente.
Agad namang nagpadala ng tulong ang Coast Guard, Romblon Diocesan Social Action Center, Provincial Government of Romblon, at ilang pribadong speedboat para ibaba ang mga sakay na pasahero na karamihan ay galing pa ng Roxas City at Sibuyan. Nanatili na sila ngayon sa Romblon Public Theatre kung saan sila inaaalalayan ng lokal na pamahalaan.
Patuloy na binabantayan ng Philippine Coast Guard ang barko. Wala naman umanong sinyales na nagkaroon ng oil spill sa Romblon Bay dahil sa aksidente.
Wala namang nasaktan sa aksidente.