Nakalatag na ang mga aktbidad ng Department of Trade and Industry – Romblon ngayong Consumer Welfare Month para sa pagpapalakas sa kanilang adbokasiya kaugnay sa consumer protection ngayong buwan ng Oktubre.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, sinabi ni Grace Fontelo, public information officer ng DTI Romblon, na ngayong unang linggo ng Oktubre ay magkakaroon sila ng Consumers Diskwento Day kung saan makikilahok ang anim na malalaking tindahan sa iba’t ibang bahagi ng Romblon para magbigay ng diskwento sa bibilhin sa kanila.
Sa darating naman na October 20 ay gaganapin ang Provincial Consumer Quiz Bee 2023 kung saan inaasahang lalahok ang mga pampubliko at pribadong paaralang may Junior High School Students mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.
Magkakaroon rin umano sila ng information dissemination sa iba’t ibang palengke sa probinsya at consumer education para mas maipalam sa mga consumers ang kanilang mga karapatan bilang isang mamimili.
Sa ngayon umano, maganda ang status ng consumer welfare sa probinsya dahil lahat umano ng reklamo na naidudulog sa kanilang opisina ay kanilang nabibigyang pansin at solusyon. Kabilang na rito ang mga reklamo kaugnay sa mga online shopping, at warrant ng kanilang mga nabiling mga gamit.
Pahayag pa ni Fontelo, bukas ang kanilang opisina sa Odiongan at mga Negosyo Center para sa reklamong nais idulog ng mga consumer.