Nagkaisa ang mga obispo mula sa 10 diyosesis sa bansa, kasama ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (ECSA-JP) at Caritas Philippines, sa panawagang simulan ang proseso ng pagkansela sa mining agreement ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa Sibuyan Island, Romblon.
Sa isang joint pastoral statement na pinamagatang “Let Sibuyan Live: A Joint Call to Initiate the Cancellation of APMC’s Mining Agreement,” nagpahayag ang mga lider ng Simbahang Katolika ng pagtutol sa planong malakihang pagmimina ng metallic minerals ng APMC sa isla.
Nanawagan ang mga obispo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DENR Acting Secretary Juan Miguel T. Cuna na magsagawa ng agarang, komprehensibo, independiyente, transparent, nakabatay sa siyensya at may partisipasyon ng publiko na pagsusuri sa pagsunod ng APMC sa mga batas pangkalikasan at pagmimina.
Hiniling din nila na kapag nakumpirma ang mga batayang isyung inilahad ng mga apektadong komunidad at mga kinauukulang awtoridad, ay agad na simulan ang proceedings para sa pagkansela ng MPSA No. 304-2009-IVB, habang sinusunod ang kaukulang proseso.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ang mga obispo ng Diocese of Romblon, Diocese of San Carlos, Archdiocese of Capiz, Diocese of Kalibo, Diocese of Calapan, Diocese of Boac, Diocese of San Pablo, Diocese of Lucena, Diocese of Gumaca at Diocese of San Jose de Antique.
Pinangunahan ang pahayag nina Bishop Narciso V. Abellana ng Romblon at Bishop Gerardo A. Alminaza ng San Carlos, na siya ring chairman ng CBCP-ECSA-JP at presidente ng Caritas Philippines.
Ayon sa pahayag, kinikilala ang Sibuyan bilang isang lugar na may mahalagang biodiversity, kung saan magkakaugnay ang mga kagubatan, watershed, ilog, mangrove, coral reefs at karagatang nakapaligid sa isla.
Binigyang-diin din ng mga obispo ang kahalagahan ng partisipasyon ng mga komunidad sa mga usaping may kaugnayan sa pagmimina at pangangalaga sa kalikasan.
“Sibuyanons are rights-holders, not mere spectators,” ayon sa joint pastoral statement.
Nanawagan sila para sa access sa impormasyon, transparency, social acceptability at makabuluhang partisipasyon ng mga apektadong komunidad, kabilang ang paggalang sa mga karapatan ng Indigenous Peoples at free, prior and informed consent kung kinakailangan sa ilalim ng batas.
Bagama't kinikilala nila ang pangangailangan para sa trabaho at kaunlaran, sinabi ng mga obispo na hindi dapat mapilitang mamili ang mga komunidad sa pagitan ng trabaho at malinis na tubig, pamumuhunan at seguridad sa pagkain, o kita at pangangalaga sa biodiversity.
Nagpahayag din sila ng suporta sa mga alternatibong kabuhayan at paraan ng pag-unlad, kabilang ang sustainable agriculture at fisheries, community-based ecotourism, renewable energy, ecosystem restoration at responsableng lokal na negosyo. (PR)



































Discussion about this post