Arestado ang isang 53-anyos na lalaki na itinuturing umanong street-level drug personality matapos ang isinagawang joint buy-bust operation ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Tuburan, Odiongan, Romblon nitong August 24.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon bandang alas-2:05 ng hapon ng Municipal Drug Enforcement Unit ng Odiongan Municipal Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Romblon Provincial Office.
Sa operasyon, nakabili umano ang isang undercover police officer ng isang sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na sangkap na hinihinalang shabu mula sa suspek kapalit ng ₱1,000 marked money.
Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ang suspek. Sa isinagawang search incidental to a lawful arrest, nakarekober pa umano ang mga operatiba ng isa pang sachet ng hinihinalang shabu, marked buy-bust money at isang kaha ng sigarilyo.
Tinatayang may kabuuang bigat na 0.4 gramo ang nakuhang hinihinalang ilegal na droga, na may tinatayang standard drug price na ₱2,720.
Isinagawa ang pagmamarka, inventory at pagkuha ng larawan sa mga nakumpiskang ebidensiya sa presensya ng suspek at mga kinatawan mula sa barangay at media, ayon sa pulisya.
Isusumite ang mga nakuhang hinihinalang shabu sa Romblon Provincial Forensic Unit para sa pagsusuring laboratoryo.
Nasa kustodiya na ng Odiongan MPS ang suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



































Discussion about this post