Patuloy na nadaragdagan ang mga bilang ng mga pawikang nakikitang patay sa bayan ng Romblon base sa tala ng Municipal Environment & Natural Resources Office (MENRO) ng Romblon.
Sa tala ng Pamamalakaya At Wastong Ingat sa Karagatan ng Agpanabat ay Nagkakaisa o Pawikan Association sa Romblon, aabot na sa labing-anim (16) na patay na pawikan ang kanilang nakita base na rin sa tala ng MENRO.
Nito lamang Huwebes ay tatlong (3) patay na pawikan ang iniulat na nakita sa Margie Beach, sa Timaban, at sa Barangay Palje.
Nagpatawag na nitong August 3 ng committee hearing ang Sangguniang Bayan ng Romblon kaugnay sa nasabing ulat kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Maritime Police Station, Provincial Environment and Natural Resources Office, at mula sa lokal na pamahalaan ng Romblon. Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kinatawan ng iba’t ibang asosasyon na tumutulong sa pangangalaga ng mga pawikan.
Napag-usapan sa pagpupulong ang mga posibleng dahilan kung bakit may mga nakitang patay na pawikan sa bayan isa na rito ang posibilidad na may nangyaring illegal fishing o di kaya ay dynamite fishing.
Samantala, hiniling na ng ilang grupo sa DENR na imbestigahan ito at suriin ng mabuti ang mga nasawing pawikan, karamihan ay mga babae, para malamang kung ano ang kinamatay ng mga ito.