Nalalapit na ang araw kung saan gigibain na ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang minsa’y hinangaan na Odiongan Commercial Center dahil sa ganda nito.
Sa radio program ng Serbisyong May Puso nitong Martes, ibinahagi ni Martin Lasaga, OIC ng Municipal Economic Enterprise Development Office, na pinadalhan na ng abiso ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang mga nakaupa sa commercial center para ibakente.
“Si Mayor Trina po ay nag-issue na ng sulat sa mga occupants sa OCC na by middle of 2024 or early 2025 ay kailangan na i-vacate ‘yung building for demolition,” ayon kay Lasaga.
Ang nasabing usapin ay nabuksan matapos mapag-usapan sa programa ang mga naging epekto ng magnitude 4.8 na lindol na tumama sa Romblon noong Sabado.
Ayon kay Engr. Kahleen Ze Montoya ng Engineering Office, nagsagawa na ng pag-aaral sa gusali ang iba’t ibang eksperto at sinabi nila na hindi na ito maaring maayos.
“Itong OCC naman po, nakailang inspeksyon na kami wala pang lindol. Halos taon-taon na ang inspeksyon, pero iisa lang ang findings namin jan. May mga isinagawa na rin jang structural investigation. Mga mga cracks na sa mga poste, sa mga beams, may sira na ang mga floorings,” pahayag ni Montoya.
Dagdag nito, noong Marso ay pinakita rin nila ang gusali sa mga Engineers ng Palafox Associates para alamin ang kanilang suhestiyon ngunit sabi ng mga ito ay wala ng pag-asa ang gusali at hindi na kaya para sa retrofitting.
Ayon kay Lasaga, ang demolisyon sa nasabing gusali ay magbibigay ng pagkakataon sa pamahalaang lokal para mas mai-develop ang lugar na kinatatayuan nito sa ngayon.
Panoorin ang programa rito: