Isang sunog ang sumiklab sa ikalawang palapag ng isang ancestral house sa Poblacion, Looc, Romblon pasado alas-9:30 ngayong umaga.
Ang bahay ay pag-mamayari ni Wilbur Clemente.
Batay sa inisyal na ulat, may narinig umanong parang sumabog sa ikalawang palapag ng bahay ni Clemente at pagtingin nito ay may nasusunog na at mabilis ang pagkalat kaya siya agad lumabas para humingi ng tulong.
Ayon kay Looc Mayor Lisette Arboleda, wala naman umanong nasaktan sa nasabing sunog dahil agad na nakaalis ang mga nakatira rito bago lumaki ang apoy.
Pasado alas-11 na ng mapatay ang apoy ng pinagsamang puwersa ng BFP Looc, BFP Odiongan, BFP Alcantara at BFP Santa Maria.
Samantala, sinabi ni Mayor Arboleda na maging mapagmatyag at alerto sa mga bahay lalo na tuwing may bagyo, para makaiwas rin sa sunog.
“Siguraduhin po natin na ang ating mga wirings sa bahay ay regular na nachecheck at namimaintain,” paalala ng alkalde.
“Ngayong UNDAS po, kung aalis po ng bahay lalo na po at walang maiiwan, siguraduhing wala na pong naiwang mga gamit na nakasaksak o nakasalang sa lutuan,” dagdag pa ng alkalde.