Nagsagawa nitong Martes, August 9, ng provincial forum sa Odiongan, Romblon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Mimaropa para sa data-sharing agreement ng bagong Listahanan 3 na dinaluhan ng iba’t ibang stakeholders sa probinsya.
Bahagi parin ito ng adbokasiya ng ahensya sa patuloy na pagtuturo ng standard data sharing guidelines at protocols para ma-access ang mga data ng mga mahihirap mula sa Listahanan o sa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).
Sa nasabing forum, itinuro rin sa mga stakeholders ang mga dapat isaalang-alang upang maingatan ang mga impormasyon ng mga nasa Listahanan alinsunod sa Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act of 2012.
Sinabi naman sa isang press statement ni DSWD Mimaropa Regional Director Leonardo Reynoso na sa darating na Oktubre ay ilulunsad na ang Listahanan Third Round Household Assessment o L3. Ang nasabing listahan ay magbibigay ng pinakabagong talaan ng mga mahihirap na pamilya sa rehiyon.
Ayon pa kay Reynoso, magagamit ito sa pagpaplano, paggawa ng mga polisiya, research at maging basehan sa pagtukoy sa mga puwedeng benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan.
Sa bagong guidelines, kailangang ang lokal na pamahalaan na papasok sa data-sharing agreement ay may rehistradong Data Protection Officer (DPO) sa National Privacy Commission.