Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Looc ang panukalang dagdagan ang sinisingil na entrance fee sa mga papasok sa sikat na pasyalan na Looc Bay Refuge and Marine Sanctuary.
Sa ginanap na 2nd Regular Session ng SB noong Martes, July 12, binasa ni SB member Jonathan Gaytano ang kanyang panukalang itaas sa P250 ang bayad sa mga bisita sa sikat na pasyalan.
Nang makapanyam ng Romblon News Network, sinabi ni Gaytano na kanakailangan ito upang makasabay sa inflation rin na nararanasan ng bansa.
“Hindi lang gasulina ang kinokonsedara namin kung bakit kailangang magtaas, ‘yung mga bangka na ginagamit namin bulok na,” pahayag ni Gaytano.
Paliwanag pa nito sa kasalukuyan umanong fee na P100, nagiging abunado pa umano ang lokalna pamahalaan sa gastusin ng mga gustong pumunta sa sikat na pasyalan.
Samantala, nakasaad rin sa panukalang ordinansa na bigyan naman ng 50% discount ang mga residente ng Looc at discount naman sa mga estudyante at senior citizen.
Ang nasabing ordinansa ay kasalukuyang nasa first reading pa lamang at dadaan pa ng public hearing.