‘Lahat kami sa DOH at sa buong vaccine cluster ay nananawagan sa lahat ng naririto na maging kampeon para po sa ating mga bakuna.’
Ito ang naging sentro ng mensahe ni Secretary Francisco T. Duque III ng Department of Health (DOH) sa katatapos lamang na ‘Virtual Townhall Meeting on COVID-19 Vaccine Roll-Out’ na magkatuwang na isinagawa ng DOH Mimaropa at Philippine Information Agency (PIA) Mimaropa.
Ayon kay Sec. Duque, nakasalalay sa tagumpay ng pagbabakuna ng COVID-19 ang tiwala ng mga mamamayan, partikular sa kahalagahan ng bakuna bilang instrumento ng pagpapanatili ng magandang antas ng pampublikong kalusugan.
Tiniyak din ng kalihim ang proteksyon at kaligtasan ng mga mamamayan laban sa mga nakahahawang sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna.
‘Marami man ang nabago ng pandemya, hindi pa rin nagbabago ang ating responsibilidad sa bawat isa. Sama-sama po tayong maging kampeon ng bakuna. Sama-sama natin tahakin ang umagang nasupil na ang peligro ng pandemya,’ pahayag ng kalihim.
Samantala, ayon sa DOH, sa kabila ng patuloy sa pag-responde sa COVID-19 ay patuloy din ang isinusulong na Universal Health Care ng tanggapan. Layunin ng Universal Health Care Law ang isang Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay maging malusog at nakakaabot ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
‘Narito po tayo ngayon upang ihanay ang ating kilos tungo sa pagtatagumpay ng ating pambansang pagbabakuna sa COVID-19,’ dagdag na pahayag ni Sec. Duque.
Ani Duque, magugunita na noong taong 2020 ay nakita ng mga mamamayang Pilipino ang bisa ng minimum public health standards at dahil dito, napatunayan ang pagbagal ng pagkalat ng sakit.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagsusuot ng face mask at face shield, malimit na paghuhugas at pagsa-sanitize ng kamay at physical distancing ay muling nagkaroon ng pag-asa na unti-unting bumangon ang lipunan, ayon sa mensahe ni Sec. Duque.
‘Ngayong 2021, ating haharapin ang susunod na yugto ng ating laban sa COVID-19 – ang pagtitiyak at paghahatid ng ligtas at epektibong bakuna sa bawat Pilipino,’ huling pahayag ng kalihim. (Luis T. Cueto/PIA-OrMin)