Iginiit ni Cong. Ziaur-Rahman “Zia” Alonto Adiong ang pangangailangang marinig muna ang panig ng mga apektadong government employees bago magkaroon ng posisyon sa panukalang reorganisasyon ng MIMAROPA o Region 4-B.
Ito ay kasunod ng panukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ibalik sa iisang Region 4 ang kasalukuyang Region 4-A at Region 4-B, ngunit hatiin ang mga lugar sa magkakahiwalay na command centers. Sa ilalim ng iminungkahing setup, kabilang ang Quezon, Marinduque at Romblon sa isang cluster.
Ayon kay Adiong, hindi pa siya nagbibigay ng pinal na posisyon hinggil sa panukala dahil kailangan muna niyang marinig ang magkabilang panig at higit na maunawaan ang magiging epekto nito sa mga kawani ng pamahalaan.
“Ang akin pong posisyon diyan ay gusto kong marinig ang bawat panig. Kasi unang-una, dapat unahin nating alamin ang magiging epekto nito sa mga empleyado ng gobyerno, sa mga regular employees na nagtrabaho ng ilang taon sa gobyerno,” ani Adiong sa panayam ng Radyo Natin Odiongan.
Mahalaga aniya na malaman kung makatutulong ba ang reorganisasyon o maaari itong magdulot ng karagdagang problema sa mga regular na empleyado na maaaring maapektuhan ng pagbabago sa regional structure.
Binigyang-diin ni Adiong na dapat maging pangunahing konsiderasyon ang kapakanan ng mga regular na kawani ng pamahalaan na posibleng maapektuhan ng anumang pagbabago.
Iminungkahi ni Remulla sa Senate Finance Subcommittee J noong September 10 ang pagbabago sa kasalukuyang setup ng MIMAROPA, na ayon sa DILG ay layong gawing mas praktikal at episyente ang operasyon at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa mga lalawigang pulo. Hindi pa pinal ang panukala at kailangan pa itong dumaan sa kaukulang proseso at pagtalakay.



































Discussion about this post