Apat na Romblomanon ang kinilala bilang mga Bayani Ka! Awardee ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA dahil sa kanilang natatanging ambag sa pagpapatupad ng KALAHI-CIDSS at pagsusulong ng community-driven development (CDD) sa kanilang mga komunidad.
Ang pagkilala ay isinagawa sa isang seremonya sa Quezon City noong September 18, 2026, kung saan kabilang sa mga pinarangalan sina Clark Alexis Mindo at Milagros Taguba ng Santa Maria, Ramon Reandelar ng Calatrava, at Sofracia Gregorio, Barangay Nutrition Scholar mula sa Barangay Concepcion Sur, Santa Maria.
Kinilala si Mindo, SK Chairman ng Barangay Bonga, Santa Maria, dahil sa kanyang aktibong pakikilahok sa CDD at sa pagsusulong ng partisipasyon ng kabataan sa mga proyekto ng komunidad.
Bago naging SK chairman, nagsimula si Mindo bilang volunteer noong Grade 11 pa lamang. Sa edad na 16, naging bahagi na siya ng project preparation team na tumutulong sa paghahanda ng mga proposal at pagtukoy sa mga proyektong kailangan ng barangay.
Ayon kay Mindo, mahigit 250 kabataan ang kabilang sa kanilang grupo sa Barangay Bonga at hinihikayat niya ang mga ito na dumalo sa barangay assemblies upang magkaroon ng kaalaman at makilahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto. Aniya, malaking bahagi ng kanyang pag-unlad ang KALAHI-CIDSS, partikular sa paghubog ng kanyang kasanayan sa paggawa ng mga proposal at pakikilahok sa community projects. Naging aktibo siya sa programa noong 2021, kasagsagan ng pandemya.
Kinilala naman si Taguba bilang Exceptional Senior Citizen Bayani Ka! Awardee dahil sa patuloy niyang paglilingkod bilang community volunteer sa kabila ng kanyang edad.
Naging bahagi si Taguba ng KALAHI-CIDSS mula noong 2016 at kabilang sa mga community volunteer na sinanay para sa pagpapatupad ng mga proyekto sa Barangay Bonga.
Kabilang sa mga naisulong na proyekto ng kanilang komunidad ang daycare center na itinayo rin bilang evacuation center, flood control project noong 2023, mga pathway sa Sitio Cabugao at pagbili ng mga materyales para sa medical needs noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Taguba, naging mahalaga ang bayanihan at aktibong pakikilahok ng mga community volunteer sa pagpapatupad ng mga proyekto. Sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS, aniya, mas natuto at naging aktibo ang mga residente sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong nakatutugon sa pangangailangan ng komunidad.
Sa Calatrava naman, kinilala si IPMR Ramon Reandelar dahil sa kanyang matagal nang pakikilahok sa KALAHI-CIDSS at pagsusulong ng CDD approach, kabilang ang para sa mga Indigenous Peoples.
Nagsimula ang involvement ni Reandelar sa KALAHI noong 2010 at naging bahagi rin siya ng mga training bilang coach at mentor noong 2014. Bilang IPMR at miyembro ng Sangguniang Bayan ng Calatrava, naging bahagi rin ng kanyang tungkulin ang pagsusulong ng mga resolusyon at ordinansa kaugnay ng KALAHI-CIDSS.
Kabilang dito ang Ordinance No. 9, Series of 2023, na nag-institutionalize sa CDD approach sa Calatrava, at Ordinance No. 10, Series of 2025, na nagtatatag ng taunang CDD Excellence Awards o lokal na Bayani Ka Awards para sa mga community volunteer na naging bahagi ng mga proyekto.
Binigyang-diin ni Reandelar ang kahalagahan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga katutubong komunidad na makilahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong nakatutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Samantala, kinilala si Sofracia Gregorio, Barangay Nutrition Scholar ng Barangay Concepcion Sur, Santa Maria, bilang Environmental Protection Bayani Ka! Awardee dahil sa kanyang matagal na paglilingkod bilang community volunteer.
Naging bahagi si Gregorio ng KALAHI-CIDSS noong 2015 at napili bilang community leader sa mga proyekto ng kanilang barangay.
Kabilang sa mga naisagawang proyekto sa Barangay Concepcion Sur ang evacuation center, mga silid-aralan sa Concepcion Sur Elementary School, bodega para sa medical supplies, community kitchen, daycare center at barangay access road.
Ayon kay Gregorio, umabot sa halos ₱6 milyon ang pondong natanggap ng kanilang komunidad mula sa KALAHI-CIDSS para sa mga proyekto. Ang kanilang huling proyekto noong 2024 ay ang barangay road.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Gregorio sa pamahalaan para sa mga programang naihatid sa kanilang komunidad.
Ang pagkilala sa apat na Romblomanon ay nagpapakita ng iba't ibang anyo ng pakikilahok sa KALAHI-CIDSS—mula sa pagbibigay ng espasyo sa kabataan at patuloy na volunteerism ng mga senior citizen hanggang sa pagsusulong ng CDD para sa mga Indigenous Peoples at pagpapatupad ng mga proyektong nakabatay sa pangangailangan ng komunidad.



































Discussion about this post