Nagpapatuloy umano ang pag ganda ng ekonomiya ng bansa matapos na luwagan ang pagpapatupad ng community quarantine sa iba’t ibang probinsya, base ito sa datus na hawak ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez sa Network Briefing News ni PCOO Sec. Martin Andanar nitong Martes, na patuloy umanong ginagawa ng kanilang departamento ang mga paraan upang mabuksang muli ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng nararanasang pandemya.
“Dahil sa pag-ease ng community quarantine, marami naman ang gumandang economic indicators na bumabalik unti-unti ‘yung ating ekonomiya. Subalit, kulang pa dahil kailangan pa rin nating ituloy-tuloy ‘yung manner of reopening the economy para totally, makabawi tayo,” pahayag ng kalihim.
Sinabi rin nito na mula sa 17.7% unemployment rate ng bansa noong Abril, bumalik na ito sa 10% noong Hulyo bagama’t kulang pa ito sa dating 5% unemployment rate bago magkaroon ng community quarantine.
Maging ang exports industry rin umano ng bansa ay unti-unti na ring nakakabawi pahayag ni Sec. Lopez.
“Ang exports natin bumagsak ‘yan at nangalahati -49%. Ngayon ay -9% na lang noong July kaya unti-unti naman bumabangon ang ating ekonomiya pero importante na magpatuloy lamang itong reopening,” sinabi ng kalihim.
Pinaalala naman ng kalihim sa sambayanan na sundin ang ‘seven commandments’, o ang mga minimum health standards para masigurong hindi dadami ang mahahawaan ng virus at magpapatuloy na gaganda ang ekonomiya.
“‘Pag ‘yan ang umiral, naniniwala ako na kahit mag-MGCQ tayo, tuloy-tuloy nang bababa ang transmission tulad ng nakikita natin ngayon pati doon sa areas na MGCQ na hindi naman lumala ang kanilang situation na bumaba pa rin ang mga kaso ng COVID-19,” sinabi ni Lopez.