Pinalawig hanggang Setyembre 4, 2026 ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) sa Romblon upang mabigyan pa ng pagkakataon ang mga batang hindi pa nababakunahan na makapagpabakuna.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) MIMAROPA, umabot na sa 13,797 bata ang nabakunahan laban sa measles-rubella o tigdas at tigdas-hangin hanggang alas-7 ng umaga ng Agosto 27.
Katumbas ito ng 53.31 porsiyentong coverage mula sa target na 25,881 batang edad 6 hanggang 59 buwan sa buong lalawigan.
Sa tala ng DOH, pinakamataas ang vaccination coverage sa San Jose na umabot sa 70.13 porsiyento, o 749 sa target na 1,068 bata.
Sinundan ito ng Odiongan na may 68.44 porsiyento o 2,487 sa target na 3,634, at Romblon, Romblon na may 65.29 porsiyento o 2,173 sa target na 3,328.
Samantala, naitala ang 60.33 porsiyentong coverage sa Santa Fe, 54.32 porsiyento sa Santa Maria, 52.45 porsiyento sa Magdiwang, 51.64 porsiyento sa San Agustin, at 48.21 porsiyento sa San Andres.
Mayroon namang 42.72 porsiyento sa San Fernando.
Sa hiwalay na datos ng DOH noong Agosto 26, umabot naman sa 14,495 bata ang nabigyan ng bakuna sa buong programa, katumbas ng 56.01 porsiyentong coverage. Umabot din sa 14,191 bata ang nabigyan ng Vitamin A supplementation, o 54.83 porsiyento ng target.
Dahil sa extension ng kampanya, muling hinikayat ang mga magulang at guardian na dalhin ang kanilang mga anak na edad 6–59 buwan sa mga nakatalagang fixed at temporary vaccination posts hanggang Setyembre 4.
Ayon sa DOH MIMAROPA, maaaring pabakunahan ang mga kwalipikadong bata upang mapalawak pa ang saklaw ng supplemental immunization activity sa lalawigan.



































Discussion about this post