Hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Romblon ang mga miyembro nito na gamitin ang eGovPH application upang mas madaling ma-access at masuri ang kanilang membership records at iba pang serbisyo ng pamahalaan online.
Ibinahagi ni PhilHealth Romblon representative Baby Lynn Fabito ang impormasyon sa ginanap na PIA Romblon Information Caravan sa Barangay Mabini, San Andres, Romblon noong Agosto 28.
Ayon kay Fabito, sa pamamagitan ng eGovPH app ay maaaring ma-access ng mga miyembro ang kanilang impormasyon at records nang hindi na kinakailangang agad magtungo sa tanggapan ng PhilHealth para sa ilang transaksyon at pagberipika.
“Sa pamamagitan ng eGovPH app, mas madali na nating mache-check ang ating mga impormasyon at records. Hindi na kailangang pumunta agad sa opisina para lamang magtanong o mag-verify ng ilang detalye dahil maaari itong makita sa pamamagitan ng application,” ani Fabito.
Hinimok din niya ang mga residente na gamitin ang digital platform at alamin ang iba pang serbisyo ng pamahalaan na maaaring ma-access sa pamamagitan ng aplikasyon.
Tinalakay rin sa aktibidad ang mga programa ng PhilHealth, kabilang ang YAKAP at GAMOT, gayundin ang mga serbisyong pangkalusugan at benepisyong maaaring magamit ng mga kwalipikadong miyembro.
Isinagawa ang Information Caravan sa pakikipagtulungan ng Public Information Office ng LGU San Andres, SSS Odiongan, TESDA Romblon, DTI Negosyo Center San Andres, San Andres Municipal Police Station at BJMP Odiongan District Jail.



































Discussion about this post