Handang tanggalan ng prangkisa ni Odiongan vice mayor Diven Dimaala ang mga di umano’y abusadong tricycle driver sa bayan ng Odiongan na naniningil ng mahal sa itinakdang fare matrix ng Sangguniang Bayan.
Sa isang mensahe ng bise-alkalde, sinabi nito na nakatanggap na sila ng sumbong na di umano ay may mga tricycle driver na sobrang maningil kahit malapit lang ang pinaghahatiran ng pasahero.
“Nakalista sa aming opisina ang mga inirereklamong mga driver na naningil ng sobra. Magiging basehan ito para matanggalan kayo ng prangkisa. Huwag kayong magsamantala sa ating mga pasahero at manakot pa na hindi isasakay kapag hindi nagbayad ayon sa gusto ninyong pasahe,” babala ng bise alkalde.
Batay sa bagong fare matrix, ang dating P12 na pamasahe sa tricycle ay ginawang P15 dahil sa epekto ng Covid-19 pandemic sa mga tricycle drivers.
“Pinagbigyan na ng Sangguniang Bayan ang inyong request na gawing P15 ang minimum na pamasahe habang may issue ng Covid-19, pero P20 pa rin ang singil nyo. Nagkasundo din tayo na P8.00 ang dagdag na pasahe per additional kilometer pero hindi nyo ito sinusunod,” dagdag pa ng bise alkalde.
Dagdag pa ni Dimaala, panahon pa umano ng pandemya at hindi pa kaya ng publiko na gumastos ng malaki dahil lahat naman umano ay apektado.
Nanawagan ito sa publiko na kung sakaling nakaranas ng sobrang paniningil ng mga tricycle driver at maaring lumapit sa opisina ng Sangguniang Bayan at mag sumbong.