Panghihinayang ang naramdaman ng ilang magsasaka matapos nilang madiskubreng pinagbubunot at pinagtatabas ng hindi pa kilalang tao ang mahigit isang ektaryang taniman ng mais sa ilang bahagi ng Buyco Estate sa Canduyong, Odiongan, Romblon.
Umaga ng August 24, ay nakita nalang ng mga bumisitang miyembro sa sakahan na pinagtatabas ang mga tanim na mais, okra at saging sa bahagi ng Buyco Estate na sakop ng Barangay Canduyong.
Nangyari na umano ito noong August 1 ngunit muling naulit nitong Lunes.
Batay sa datos ng samahan, mahigit isang ektaryang taniman ng mais at iba pang pananim ang naapektuhan sa mga insidenteng ito.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng mga magsasaka kung sino ang nasa likod ng pagputol at pagbunot sa kanilang mga pananim, gayundin ang motibo sa naturang mga insidente.
Ayon sa ilang miyembro ng ACTFA na kabilang sa mga nagtanim at nagbungkal sa lugar, malaki ang naging pagod at gastos sa pagtatanim ng mais at iba pang pananim na kanilang inaasahang aanihin.
Sinabi rin ng isang opisyal ng samahan na bukod sa paggawa ng mga magsasaka, naglaan din ng pondo ang ACTFA para sa pagtatanim at pagpapalaki ng mga pananim sa loob ng estate.
Ang Buyco Estate ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 319 ektaryang lupain na matatagpuan sa Barangay Tubigon sa Ferrol at sa Barangays Anahao at Canduyong sa Odiongan, Romblon.



































Discussion about this post