Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Commission of Senior Citizens o NCSC na agarang ipamahagi ang PhP10,000 cash gift sa mga kwalipikado at benepisyaryong senior citizen sa ilalim ng Expanded Centenarian Act.
“Ito po ay nakarating sa Pangulo at kailangan po talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderly lalung-lalo na iyong mga senior citizens dahil iyan naman po ay talagang kailangang maipaabot sa kanila nang mas mabilis at sa mabilis na pamamaraan,”ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa kasagsagan ng press briefing sa Malakanyang nitong Miyerkules.
“So, ipinag-utos niya (President Marcos) rin po na agaran itong solusyunan kaya po nakatanggap po ang ARTA (Anti-Red Tape Authority) nga ng reklamo at ito po ay nagkaroon ng endorsement sa Committee on Anti-Red Tape ng National Commission of Senior Citizens or NCSC noong August 25, 2026 at naka-schedule ang clarificatory meeting sa August 28, 2026 sa pagitan po ng ARTA, NCSC at mga concerned local government unit at pati po iyong mga nagrereklamo na ating mga senior citizen,” ayon pa kay Castro.
Nilagdaan at naisabatas ang Expanded Centenarians Act (Republic Act 11982) noong 2024.
Batay sa NCSC website, lahat ng mga Pilipino, kahit nakatira man sa Pilipinas o abroad, kapag umabot na sa edad na 100 taon, makatatanggap na ng cash gift na PhP100,000.00 at sulat ng papuri mula sa Pangulo ng Pilipinas na bumabati sa celebrant sa kanyang mahabang buhay.
Lahat ng mga Pilipino, nakatira man sa Pilipinas o abroad, kapag umabot na sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makatatanggap naman ng PhP10,000.00.
Noong August 24, walong senior citizen sa Quezon City ang naghain ng anti-red tape cases laban sa National Commission of Senior Citizens dahil sa naantalang paglalabas ng PhP10,000 cash gifts na dapat matanggap ng mga nasa edad na 80, 85, 90 at 95.
Sa inihain nilang reklamo sa Anti-Red Tape Authority, walong senior citizen na may edad 80 hanggang 85 na pawang residente ng Barangay Marilag, ang naghain ng hinaing dahli sa napakatagal na pag-antala sa nasabing cash gift na pawang nagsabing hindi nila gustong maranasan ang pagkainip ng ilan nilang mga kaibigan na kinamatayan na ang paghihintay sa inaasahang matatangap na cash gifts.
Sa harap nito, tiniyak naman ni Castro sa lahat ng mga senior citizen na agarang ipatutupad ng pamahalaan ang mga direktiba para mabilis na matugunan ang nasabing isyu.
“So, makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy pong gagampanan ng pamahalaan at ito po ay tutugunan agad ng Pangulo at ng ARTA para maresolba ang issue na ito,” ani Castro.
Siniguro rin ni Castro na hindi na patatagalin pa at maaantala ang tulong na dapat ibigay ng pamahalaan.
“So, hindi po kinakailangan patagalin ang mga tulong na dapat naman pong maibigay nang mas mabilis na paraan,” pagtatapos ni Castro. (PR)



































Discussion about this post