Inilunsad sa bayan ng Odiongan nitong Miyerkules ang isang proyekto na tutugon sa pangangailangan ng mga senior citizens na hindi nakakalabas ng kanilang mga bahay dahil sa umiiral na general community quarantine (GCQ) dahil parin sa coronavirus diease 2019 (Covid-19).
Ang nasabing programa ay ang Lab On Wheels, kung saan maaring magpacheck-up ang mga senior citizens na residente ng bayan ng Odiongan nang hindi na kinakailangang pumunta sa health center o sa ospital.
Ayon kay Vice Mayor Diven Dimaala, na isa ring registered medical technologist, ang Lab on Wheels ay proyekto ng Sangguniang Bayan ng Odiongan sa pakikipagtulungan ng Isiah Hospital and Medical Center.
“Ito po ay ginawa natin para sila ay ma-examin thru laboratory analysis. Sila po ay pinuntahan na mismo natin dito sa barangay upang sila ay ma-examin ng diretso at hindi na pumunta sa bayan,” pahayag ng bise alkalde.
Ang nasabing Lab On Wheels ay pupunta sa mga Barangay dala ang basic laboratory para sa mga senior citizen kagaya ng pangkuha ng blood sugar, cholesterol, uric acid, urinalysis, at CBC.
Libre umano ang magpatingin sa Lab On Wheels ng munisipyo, at ito naman ay ikinatuwa ng ilang senior citizen na nagpatingin kagaya nalang ni Irving Fetalvero, isa sa mga pasyente.
“Every six months nagpapa-blood chemestry talaga ako kasi na-elevatan ako ng ugat dito sa celebral spine, diabetic pa ako, most important ‘yang blood sugar sa akin. Mahalaga talaga,” ayon kay Fetalvero.
Mag tatagal ang nasabing programa hanggang sa ika-30 ng Mayo.