Nagsagawa ngayong araw ng coastal clean-up drive sa mga bayan sa Tablas Island, Romblon na apektado ng oil spill lalo na sa Barangay Agpudlos, San Andres na nakitaan ng pinakamaraming oil debris ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Sa Barangay Agpudlos, suot ang mga gloves sama-samang naglinis ang mga residente, mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng San Andres at ng Barangay, mga tauhan ng Philippine Coast Guard at ng Department of Environment and Natural Resources, para ipunin ang mga bumuong langis na dumikit na sa mga basurang nasa gilid ng dagat.
Matatandaang kinumpirma ng Philippine Coast Guard sa Odiongan, Romblon nitong Biyernes na may nakitang ‘oil spill’ sa dalampasigan sa mga bayan ng San Andres, Odiongan, at Ferrol.
Posible umanong galing sa mga malalaking barko o barge na dumadaan sa Tablas straight ang mga namuong langis sa dalampsigan ng tatlong bayan.
Paliwanag ng coast guard, mahirap ng ma-trace ang pinagmulan nito dahil mahigit pitong araw na umano ang mga namumuong langis bago naisumbong sa otoridad.
Sa tatlong bayan, aabot sa halos limang sako ng mga nabuong langis ang nakolekta ng PCG sa ginanap na clean-up drive ngayong araw.
Inaasahang ilalagay muna nila ito sa compound ng kanilang opisina bago i-dispose sa tamang paglagyan.
Pinapayuhan naman ng Department of Environment and Natural Resources ang mga residente sa mga coastal barangay na may mga natira pang bakas ng langis na huwag munang maligo rito dahil posibleng makaapekto sa kanilang kalusugan kung sakaling mainum nila ang tubig na nahaluan ng nasabing langis.