Doblehin ang pagpapayo sa mga anak natin sa paggamit ng cellphone, sa bayan ng Odiongan sa Romblon, muntik ng mabulag ang isang grade 11 student matapos sumabog sa harap nito ang battery ng kanyang china-charge na smartphone nitong Martes, January 22.
Kwento ng biktima na itago natin sa pangalang Totoy, habang naka charge umano ang cellphone, binuksan niya ang likod nito at sinubukang tanggalin ang battery ngunit bigla itong pumutok sa harapan ng mukha niya.
Sunog ang batterry ng smartphone ng biktima.
Hindi naman siya nagtamo ng paso sa mukha, ngunit tumalsik umano ang ilang powder galing sa sumabog na battery patungo sa kanyang mata.
“Parang hindi ako makakita, naghilamos ako agad ng tubig, parang nakakadilat ako pero mahirap idilat kasi masakit. Nakakita siya pero masakit talaga idilat,” kwento ni Totoy.
Kwento ng Lolo ng biktima, narinig niya umano na may sumabog at maya-mayay lumabas na ang bata at nagpapadala na sa ospital.
“Narinig namin na may sumabog, hindi namin pinansin kasi akala namin ay kung ano yung sumabog. Tapos lumabas siya dito, sabi niya ‘Lola, dalhin mo ako sa ospital, nabulag ata ako ah,’ natakot. Ayon dali-dali kung dinala sa ospital,” kwento ng Lolo ng biktima.
Isinugod nila ang biktima sa ospital pagkatapos ang insidente, at ayon sa biktima, nilinis lang ang mata niya sa ospital at sinabihan siya ng doctor na sanaying idilat ang mata.
Payo ni Totoy sa ibang kabataan, huwag gamitin ang cellphone habang naka-charge. Gamitin nalang kung sakaling tapos na mag charge.