Tumatanggap ng aplikasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa Jail Officers.
Ito ay bahagi ng kanilang pinaigting na kampanyang ‘1 on 1 Para sa Bayan’ recruitment campaign na may layong hikayatin ang mga nagnanais na mapabilang sa unipormadong hanay ng mga Jail Officers.
Sa panayam ng PIA Romblon kay Senior Jail Officer 3 Emily B. Mallen, Warden ng Romblon District Jail, bilang suporta sa naturang kampanya ay nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng iba’t ibang aktibidades dito sa lalawigan ng Romblon sa pangunguna ng BJMP Provincial office upang maipaabot sa publiko ang pagtanggap ng aplikante para sa mga Jail officers.
Ayon pa kay SJO3 Mallen, may nasa 2,000 aplikante ang quota ng BJMP ngayong taon kung saan 70 sa mga ito ay nakalaan para sa rehiyong Mimaropa. Kung kayat hinihikayat ng kanilang tanggapan ang lahat ng mga kuwalipikadong aplikante na agarang magsumite ng kanilang mga aplikasyon.
Upang maging isang jail officer, kinakailangang ang aplikante ay isang natural born Filipino citizen, may good moral character, civil service eligible at tapos ng apat na taong kurso. Ang edad ay mula 21-30 taong gulang; may taas na 5’4”para sa lalake at 5’2” para sa babae; may timbang na limang kilo mula sa standard weight corresponding sa taas, edad at sex.
Mahalaga din na physically at mentally fit at walang kasong kriminal o hindi convicted sa krimen o pagkakasalang imoral.
Bilang jail officer, magkakaroon ito ng pribilehiyong makapaglingkod sa bansa, job security, competitive pay at allowances, retirement benefits at iba pa.
Dagdag pa ni Mallen, ang mga nais mag-apply ay makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa BJMP Odiongan District Jail sa Bgy. Rizal, Odiongan, Romblon o sa BJMP Romblon District Jail na nasa Romblon Old Municipal Building, Bgy. 1 (Poblacion), Romblon, Romblon.
Ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon ay hanggang sa Pebrero 3 dahil nakatakdang ipadala sa Pebrero 9 ang mga application folder sa BJMP Mimaropa Regional Office para isailalim sa ebalwasyon.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)