Nag-inspeksyon ngayong araw ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Chief Inspector Brian Fallurin sa mga tindahan ng paputok sa Odiongan Public Market.
Tiningnan ng mga kapulisan kung ang lahat ng tindahan rito ay may kaukulang ‘sellers permit’ mula sa local government unit ng Odiongan.
Nagpaalala rin ang Odiongan Municipal Police Station sa mga sellers na huwag magbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok kagaya ng Super lolo, Whistle bomb, Goodbye Earth, Goodbye Philippines, Atomic big triangulo, Piccolo, Judas belt at ang nakakalasong Watusi.
Sinabi ng kapulisan na mas mainam umanong ligtas na salubungin ang bagong taon.
Tiniyak ng Odiongan Municipal Police Station na patuloy ang pagmamasid ng pulisya upang mahuli ang mga nag-aangkat, namamahagi at nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa bayan at pananagutin ang mga ito.
Sa ngayon, wala pang naitatalang nabiktima ng paputok sa probinsya ang Department of Health.