Sapat di umano ang supply ng mga NFA rice sa buong lalawigan ng Romblon ngayong Christmas Season ayon kay National Food Authority-Romblon Provincial Manager Romulo O. Aldueza ng makausap ng Romblon News Network nitong Martes.
Sinabi ni Aldueza na may aabot sa 30,000 sako ng imported NFA rice ang dumating ng Romblon, Romblon sakay ng barge nitong nakaraang Biyernes. Karagdagan umano ito sa 6,000-7,000 pa na stock ng bigas sa lalawigan.
“Hahatiin natin (30,000/3) ito sa tatlong malalaking isla ng Romblon (Tablas, Romblon, at Sibuyan) kung saan may warehouse ang National Food Authority,” pahayag ni Aldueza.
Ang bilang ng bigas umano na dumating sa lalawigan ay sapat para may mabiling NFA rice ang publiko sa mga palengke hanggang Disyembre 2018 o January 2019.
Inamin naman ni Aldueza na mababa sa ngayon ang bentahan ng mga NFA Rice at Commercial Rice sa mga palengke dahil harvest season at maraming bigas sa ngayon ang publiko.
Siniguro naman ni Provincial Manager Aldueza na walang bukbok ang mga dumating na bigas ng NFA at ligtas umano itong kainin ng publiko.