Inihayag ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona na sa kabila ng mga imprastrakturang naipatayo at mga serbisyong naihatid sa Romblon, mayroon pa ring mga taong hindi kinikilala ang mga pagbabagong ito at mas nakatuon sa mga negatibong nakikita sa lalawigan.
Ayon kay Madrona, marami nang imprastraktura at serbisyo ang naihatid sa lalawigan na nagsisilbing pundasyon ng patuloy na pag-unlad.
Dagdag ng kongresista, kabilang sa mga ito ang mga naitayong kalsada, mga pantalan, paliparan, paaralan, at unibersidad na naglalayong mapabuti ang buhay ng mga Romblomanon at makahikayat ng mas maraming oportunidad sa lalawigan.
Gayunman, sinabi niyang mayroon pa ring mga tao na mas nakatuon sa pagpuna sa halip na kilalanin ang mga positibong pagbabagong naidulot ng mga proyektong ito.
“Nakikita naman nila na maganda na ang ating mga kalsada, maganda na ang ating mga eskwelahan, unibersidad, ating mga ports, pero hindi pa rin nila nakikita ‘yan. Pangit pa rin ang nakikita nila,” ani Madrona.
Dumalo si Madrona sa Memorandum of Agreement (MOA) signing para sa planong pagtatayo ng LTFRB Extension Office sa San Agustin nitong Biyernes, July 24.
Binigyang-diin din niya na ang bawat bagong proyekto at tanggapan ng pamahalaan ay may kaakibat na benepisyo sa ekonomiya ng isang bayan.
Aniya, ang pagtatayo ng LTFRB Extension Office ay inaasahang magpapalapit ng serbisyo sa commuting public at makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng Romblon.
Nagtapos si Madrona sa panawagang magtulungan ang lahat ng sektor upang maipagpatuloy ang pag-unlad ng lalawigan at mas maraming oportunidad ang maihatid sa mga Romblomanon.



































Discussion about this post