Pinarangalan ng Philippine Coast Guard (PCG), sa pamamagitan ng Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL), ang tatlong mangingisda na nagligtas sa apat na tripulante ng Motor Yacht JASON na nasunog sa karagatan sa pagitan ng mga barangay Mabini at Mabulo sa San Fernando, Romblon.
Tinanggap nina Jonald Roda, Jose Rico, at Jovane Roda, na sakay ng Motorbanca (MBca) Masikap, ang Certificates of Appreciation na nilagdaan ni Commodore Geronimo B. Tuvilla, Commander ng Coast Guard District Southern Tagalog, bilang pagkilala sa kanilang katapangan at maagap na pagtugon sa insidente.
Ayon sa PCG, agad na rumesponde ang tatlong mangingisda sa nasusunog na sasakyang pandagat at ligtas na nailikas ang apat na tripulante patungo sa ligtas na lugar. Malaki ang naitulong ng kanilang agarang aksyon sa matagumpay na pagsagip at sa pag-iwas sa posibleng mas malaking trahedya.
Binigyang-diin ng Coast Guard na ipinakita ng tatlo ang propesyonalismo, malasakit, at dedikasyon sa kaligtasan sa karagatan, gayundin ang diwa ng bayanihan sa panahon ng sakuna.
Nagpasalamat din ang Coast Guard Station Romblon at Coast Guard Sub-Station Cajidiocan sa mga pinarangalang mangingisda at sa iba pang tumulong sa isinagawang rescue operation, habang muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan.



































Discussion about this post