Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi kinakailangan ng umiiral na valid government-issued ID upang makapag-apply para sa Postal ID.
Ayon sa PHLPost, ang mga first-time applicant ay kailangan lamang magsumite ng birth certificate, barangay certificate o iba pang katanggap-tanggap na patunay ng tirahan, at kumpletong Postal ID application form.
Sinabi ni Postmaster General at CEO Maximo Sta. Maria III na layunin ng Postal ID na gawing mas madali para sa mga Pilipino, lalo na sa mga unang beses kukuha ng government-issued ID, ang pagpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan.
“The Postal ID has always been intended to make it easier for Filipinos to establish their identity, especially those applying for their first government-issued ID,” ani Sta. Maria.
“By presenting a birth certificate and proof of address, eligible applicants can already begin the process of securing a trusted government-issued ID,” dagdag pa nito.
Nilinaw rin ng PHLPost na maaaring magsumite ng iba pang patunay ng tirahan, tulad ng pinakahuling bayarin sa kuryente, tubig, internet, o iba pang utility bill na nakapangalan sa aplikante at nagpapakita ng kasalukuyang tirahan, kung walang barangay certificate.
Ayon sa ahensya, inilabas ang paglilinaw upang iwasto ang maling paniniwala na kinakailangan munang magkaroon ng ibang valid government-issued ID bago makapag-apply para sa Postal ID.
Ang Postal ID ay maaaring gamitin sa iba't ibang transaksyon sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang pagbubukas ng bank account, pagkuha ng pasaporte, pag-claim ng mga parcel, pagpapadala at pagtanggap ng koreo, at iba pang legal at pinansyal na transaksyon.
Malaki rin ang naitutulong nito sa mga first-time ID holders, estudyante, naghahanap ng trabaho, senior citizens, solo parents, persons with disabilities (PWDs), at mga residente sa mga komunidad na limitado ang access sa mga serbisyo ng pamahalaan.



































Discussion about this post