Maraming paksang tatalakayin ang Mimaropa Regional Development Council sa susunod na full council meeting nito sa Odiongan, Romblon ngayong Hunyo.
Kabilang sa mga tatalakayin ay ang Annual Investment Programs para sa lahat ng regional line agencies ; ang Oriental Mindoro Plan for Multiple Projects Development, ang pagsama ng mga LGU sa Club of Most Beautiful Bays in the World; ang pagdaraos ng Mimaropa Festival sa Occidental Mindoro at pagpapalakas ng local culture and arts council sa bawat probinsya.
Ang mga paksang nabanggit ay hango sa mga natalakay sa nakalipas na ika-62 full council meeting.
Magkakaroon din ng ulat hinggil sa mga katayuan ng mga RDC endorsed project at mula sa mga regional project monitoring team.
Nakahanay din para sa RDC approval ang 2017 Regional Development Report, ang pagsasali sa Edible Birds Nest Industry ng Palawan sa may 41 priority commodities for industry study; at pagdaraos ng tourism Investment forum sa Palawan na tatalakay sa mga isyu pang-turismo.
Isinusulong din ng RDC-Social Development Committee (SDC) na makakuha ng endorsement mula sa RDC para hilingin sa Juvenile Justice and Welfare Council na bigyan priyoridad ang pagtatayo at pagpopondo ng Bahay Pagasa sa Romblon.
Ang Bahay Pagasa ( o House of Hope) ay isang institusyong bukas 24 oras para bigyan ng pansamantalang tutuluyan ang mga batang lumalabag sa batas (children in conflict with the law o CICL) na nagkakaedad sa pagitan ng labing 15 hanggang 18 taong gulang.
Hinihiling din ng SDC ang pagsang-ayon ng RDC sa pagtatatag ng Malaria Elimination Hubs sa Oriental Mindoro (malaria free sa loob ng 5 taon), Marinduque (malaria free mula 2008) at Romblon (malaria free mula 2012).
Isang istratehiya para maabot ang zero malaria, ang malaria elimination hub ay pangangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan.
Ang lalawigan magkakaroon ng malaria elimination hub ay susuportahan ng Global Fund Malaria Project ng mga kasangkapan at kagamitan tulad ng computer sets, spray cans, microscopes, diagnostic supplies, insecticides at insecticidal nets o kulambong may insecticide. (CLJD/LDP-PIA MIMAROPA)