Pinalalakas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-MIMAROPA ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan, akademya, non-government organizations (NGOs), mga komunidad, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang higit pang mapangalagaan ang kalikasan at biodiversity sa rehiyon.
Sa panayam sa Arangkada MIMAROPA noong July 8, sinabi ni DENR MIMAROPA Assistant Regional Director for Technical Services Maximo C. Landrito na hindi kakayanin ng DENR lamang ang pangangalaga sa likas na yaman kaya mahalaga ang aktibong partisipasyon ng lahat ng sektor.
“Hindi po kakayanin ng DENR lamang ang pangangalaga sa ating kalikasan. Kailangan ang partisipasyon ng komunidad, ng mga lokal na pamahalaan, academe, NGOs, at iba pang ahensya ng gobyerno upang maging matagumpay ang ating mga programa,” ani Landrito.
Ayon sa opisyal, kasalukuyang pinangangasiwaan ng DENR-MIMAROPA ang 15 protected areas sa rehiyon habang nagpapatupad ng mga programa para sa biodiversity conservation, pangangalaga sa coastal at marine ecosystems, rehabilitasyon ng kagubatan, at climate change adaptation at mitigation.
Patuloy rin aniyang nagpapatupad ang ahensya ng mga operasyon laban sa illegal logging, illegal wildlife trade, at illegal quarrying sa pakikipagtulungan ng Bantay Gubat, Bantay Dagat, Philippine National Police (PNP), at mga lokal na pamahalaan.
Upang mapalakas ang pagpapatupad ng batas, nakikipag-ugnayan din ang DENR sa Department of Justice (DOJ) para sa case build-up laban sa mga lumalabag sa environmental laws.
“Mahigpit naming ipinatutupad ang Wildlife Act at National Integrated Protected Areas System o NIPAS Act. Nakikipagtulungan din kami sa DOJ para sa case build-up upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas pangkalikasan,” dagdag ni Landrito.
Bukod sa law enforcement, ipinagpapatuloy din ng DENR ang mga aktibidad sa ilalim ng National Greening Program, kabilang ang pagtatanim ng mga katutubong puno, rehabilitasyon ng mga watershed, at pagsusulong ng sustainable forest management.
Binigyang-diin din ni Landrito ang kahalagahan ng patuloy na information and education campaigns sa mga paaralan at barangay upang mahikayat ang mas maraming mamamayan na makiisa sa pangangalaga ng kalikasan.
Ayon sa DENR, ang mga programang ito ay kaakibat ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang pangangalaga sa likas na yaman, mapahusay ang climate resilience, at maisulong ang whole-of-government at whole-of-community approach sa pagprotekta sa mga kagubatan, biodiversity, at mga ecosystem para sa susunod na henerasyon.



































Discussion about this post