Tuwing National Arbor Day, inaanyayahan tayong magtanim ng puno. Magandang paanyaya. Kailangan natin ng mas maraming puno, mas maraming kagubatan, at mas maraming espasyong makahihinga ang kalikasan.
Ngunit sa panahon ng climate crisis, may isang tanong na dapat ding itanong:
Paano natin pahahalagahan ang pagtatanim kung hindi natin kayang pangalagaan ang mga natitirang kagubatan?
Madaling magtanim ng punla sa isang umaga. Mas mahirap magpalago ng kagubatan sa loob ng maraming taon.
Mas madaling magputol ng puno kaysa maghintay ng ilang dekada upang muling tumubo ang isang kagubatan.
Ang seedling ay hindi pa forest.
Ang National Arbor Day, na itinatag sa pamamagitan ng Proclamation No. 643 at pinalakas ng Republic Act No. 10176 o Arbor Day Act of 2012, ay paalala na ang pangangalaga sa kalikasan ay sama-samang pananagutan.
Sa Romblon, mas malinaw pa ang panawagang ito.
Itinatadhana ng Environment and Natural Resources Code of the Province of Romblon ang regular na province-wide synchronized tree planting tuwing huling linggo ng Hunyo at Nobyembre. Idinedeklara rin ang buong buwan ng Hunyo bilang Environment Month upang pagtibayin ang sama-samang pagkilos para sa proteksiyon, preserbasyon, at konserbasyon ng ating likas na yaman. Higit pa rito, kinikilala ng Kodigo ang karapatan ng bawat Romblomanon sa isang balanced and healthful ecology at isinusulong ang pakikilahok ng mga mamamayan at ang co-management sa pangangasiwa ng ating kapaligiran.
Para sa isang island province tulad ng Romblon, hindi dekorasyon ang kagubatan.
Nakasalalay rito ang tubig na iniinom natin, ang lupang tinatamnan, ang mga ilog at sapa, ang mga hayop at halamang tanging sa ating mga isla lamang matatagpuan, at ang katatagan ng ating mga komunidad sa panahon ng sakuna.
Kapag nawawala ang kagubatan, hindi lamang mga puno ang nawawala.
Nababawasan ang ating pananggalang sa baha at pagguho ng lupa.
Nanganganib ang seguridad sa tubig at pagkain.
Lalong nagiging bulnerable ang mga pamayanang matagal nang nakikipamuhay sa kalikasan.
Kaya ngayong National Arbor Day, may ilang paanyaya para sa Romblon.
Una, pangalagaan ang natitira.
Ang mga natural forests, watershed, mangroves, at biodiversity areas ay dapat manatiling buhay at buo. Walang reforestation program ang makapapalit sa isang gumaganang kagubatan.
Ikalawa, palawakin ang ating protected forests.
Sa panahon ng climate emergency, ang protected forest ay bahagi ng ating life-support system. Kailangan ang mas maraming forest reserves, watershed protection areas, at local conservation areas upang matiyak ang kinabukasan ng susunod na salinlahi.
Ikatlo, itaguyod ang people-managed production forests.
May puwang para sa agroforestry, bamboo, at iba pang community-based forest enterprises na nagbibigay-kabuhayan. Ngunit hindi maaaring maging dahilan ang production upang sirain ang protection. Hindi maaaring ipalit ang natural forest sa anumang uri ng taniman.
Kasabay nito, kailangan ding pakinggan ang hinaing ng maraming komunidad.
Maraming mamamayan ang nagtatanong: bakit tila mas madaling maging legal ang pagputol ng libo-libong puno para sa malalaking proyekto at malalaking kumpanya, kabilang ang pagmimina, ngunit kapag isang mangingisda ang nangangailangan ng kahoy para sa bangka o isang mahirap na pamilya ang nangangailangan ng troso para sa tahanan, mabilis ang paghuli at mabigat ang parusa?
Hindi maaaring magkaroon ng dalawang pamantayan ng katarungang pangkalikasan.
Hindi maaaring mas mabigat ang kamay ng batas sa mahihirap habang mas maluwag para sa malalaking interes.
Hindi rin maaaring gamitin ang kahirapan bilang dahilan para sa walang habas na pagputol ng puno.
Ang kailangan ay makatarungan, siyentipiko, at makataong pamamahala ng ating kagubatan—pamamahalang kumikilala sa pagkakaiba ng pagputol para sa labis na tubo at pagputol para sa pangunahing pangangailangan; pamamahalang nakikinig sa mga komunidad habang naninindigan laban sa pagkasira ng ating mga ecosystem.
Sapagkat ang pangangalaga sa kalikasan at ang pagtataguyod ng dignidad ng tao ay hindi magkalaban.
Magkatuwang ang mga ito.
Kaya bago pumutol ng puno, mag-isip nang dalawang beses.
Bago magbilang ng mga punlang naitanim, tanungin din natin kung ilang kagubatan ang ating nailigtas.
Bago magdiwang ng Arbor Day, alalahanin natin na ang bawat puno ay may kaugnayan sa tubig, pagkain, biodiversity, kabuhayan, at kinabukasan.
Ang pinakamagandang punong maiiwan sa susunod na salinlahi ay hindi lamang yaong itinanim ng ating mga kamay.
Higit na mahalaga ang mga punong piniling huwag putulin, ang mga kagubatang sama-samang ipinagtanggol, at ang mga ecosystem na piniling pangalagaan para sa kabutihang panlahat at ng mga darating pang henerasyon.



































Discussion about this post