Pormal nang inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST)-Mimaropa ang Sales and Inventory Management System o SIMS, kamakailan.
Ang SIMS ay isang web-based system na binuo ng DOST sa pakikipagtulungan sa Marinduque State College (MSC).
Ito ay ginawa para matulungan na mapabilis at mapagaan ang pagmonitor ng produksyon at kita ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) sa probinsya.
Ayon kay Eleazar Manaog, Science Research Specialist ng Provincial Science and Technology sa Marinduque, ang naturang web-based system ay nauna ng ipinagkaloob sa ilang MSME sa lalawigan kabilang na ang Rejano’s Bakery, Doughboy’s Cafe and Bakeshoppe, Krisna’s Bakeshop at Roby’s Bakeshop.
Samantala, ang SIMS ay itinampok sa pagdiriwang ng Science and Technology Week ng DOST-Mimaropa nitong nakalipas na linggo. (RAMJR/AMDA/PIA-MIMAROPA)


































