Pormal na inilunsad sa lalawigan ng Romblon ang Ladies for a Cause Romblon chapter bilang bahagi ng layunin nitong tutukan ang kalusugan at kaligtasan ng mga ina at kanilang mga anak, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata — mula sa pagbubuntis (conception) hanggang sa ikalawang kaarawan.
Dumalo sa aktibidad si Dr. Gwendolyn T. Pang, Secretary General ng Philippine Red Cross at convenor ng Ladies for a Cause sa buong bansa. Kasama rin sa programa sina Romblon State University President Prof. Dr. Merian P. Catajay-Mani at Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic.
Ang Romblon chapter ang kauna-unahang itinatag na sangay ng Ladies for a Cause sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Dr. Pang, naniniwala ang grupo na dapat alagaan ang isang bata mula sa konsepsyon pa lamang ng ina hanggang sa pagdiriwang ng kanyang ikalawang kaarawan upang matiyak ang tamang nutrisyon at kalusugan. Sinabi niya na kabilang sa kanilang mga inisyatiba ang mas pinaigting na kampanya laban sa stunting o pagkaantala ng paglaki ng mga bata dulot ng malnutrisyon.

Layunin ng Ladies for a Cause na palakasin ang kaalaman at akses ng mga ina sa serbisyong pangkalusugan, pagpapalaganap ng tamang nutrisyon, at pagtiyak sa maayos na prenatal at postnatal care. Isinusulong din ng grupo ang mas aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan, health workers, at iba pang partner-organisasyon upang masiguro na ang bawat komunidad, lalo na sa mga malalayong lugar, ay may akses sa mga kinakailangang serbisyo.
Kabilang sa mga inaasahang aktibidad ng Romblon chapter ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay health workers para sa mas episyenteng pag-abot sa mga buntis at mga batang may edad 0–2 taon.
Sa pagtatag ng Ladies for a Cause Romblon chapter, umaasa si Dr. Pang na mas marami pang ina at pamilya sa lalawigan ang matutulungan upang mapabuti ang kalusugan at kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga Romblomanon.



































